Ang Nahanap kong Liwanag sa Kadiliman

Gabi na naman. Magpapaalam na naman si haring araw at papalit si kaibigang buwan. Ewan ko ba kung bakit gustong-gusto ko sa tuwing sumasapit ang gabi. Weirdo nga siguro ako kung tatawagin, pero pakialam ko, lahat naman ng tao ay may kanya-kanyang ka-weirdohan. Mas weirdo nga sigurong matatawag ang taong walang ka-weirdohan.

Ayos na sana lahat. Ang mga tao nasa kani-kanilang bahay na. Wala ng gumagala, maliban na lang kung piyesta at marami kang mapupuntahan na mga pakulo ni Mayor sa plaza. Ganito dito sa probinsya. Tahimik hindi gaya sa siyudad na ang gabi ay tila nagiging umaga na kung ingay lang ang pagbabasehan. Dito ganitong oras (7pm) nagpapahinga na ang mga tao. Magluluto. Kakain ng kanilang hapunan habang nagkukuwentuhan tungkol sa buhay-buhay nila. Pagkatapos ay magbubukas ng telebisyon at manonood ng balita. Magkukunwari na may pakialam sila sa mga nangyayari sa bansa, na kung pakikinggan mo ay wala naman silang ginawa kundi ang magreklamo at punain ang pagkakamali ng ibang taong nasa balita. Bakit ba kasi hindi na lang nila tingnan ang sarili nila bago ang iba, baka sakaling may magawa pa sila sa ikauunlad ng bansa natin.

Anyway, tama na ngang satsat. Nagiging katulad na rin nila ako eh. Mabuti pang ibaling ko na lang ang atensyon ko sa online world, at least dito kahit papaano eh may choice ka pa sa pakikinggan, babasahin, o panonoorin mo. Hindi tulad sa news na lahat ata eh bad news.

Masaya na sana, kaso maya-maya biglang nawala lahat. Oo literal na nawala – nawala sa paningin ko. Madilim. Wala na akong ibang nakikita kundi tanging kadiliman lamang.

Naman oh! Brownout pala! Akala ko naputulan na kami ng kuryente.

Ewan ko ba kung anong nagawa naming kasalanan sa SOCOTECO at tila ba gabi-gabi na lang eh gusto nilang nagka candle light ang mga tao dito sa aming bayan. Malayo-layo pa naman ang valentines, ang aga naman nila maging romantic. Hahay. Buhay.

Kaya eto, bitbit ang aking munting kaibigang notebook eh tumungo ako sa taas ng aming bahay at dumeretso sa bubong. Humiga at tumingala sa langit.

Siguro kung may isang bagay akong gusto na marahil ay ikakainis ng nakakarami, yun ay ang pagkakaroon ng brownout. Oo Brownout lover ako. Taong mahilig sa dilim kung yan ang gusto mong itawag.

Sadyang kakaiba lang talaga ang dulot na kaligayahan sa akin ng brownout. Biruin mo kung brownout eh mas nagkakaroon ka ng peace of mind. Gusto ko ng tahimik, at sa tingin ko rin ay gusto mo. Minsan ironic nga lang dahil sa dami ng taong nagsasabing gusto nila ng katahimikan, eh pag nariyan na magrereklamo rin naman. Tingin ko nga ay isa ka dun. Halimbawa na lang kapag nag uusap kayo ng isang matalik mong kaibigan o ng kahit na sino at biglang nagkaroon ng silence, naaasiwa ka dba?

Maliban dito isa pang magandang naidudulot ng brownout ay mas napapaaga tayo sa pagtulog; lalo na ang kabataan. Ano pa nga ba ang gagawin mo eh wala ng kompyuter para laruin mo, facebook para makibalita sa news feed ng crush mo, tv para panoorin, at teleseryeng susubaybayan (Oo nga pala, malapit ng mag the end ang Nasaan ka Elisa at My Binondo Girl. Lagot. Kuryente bumalik ka na sana).

Isa pang maganda kapag walang kuryente eh mas bababa ang bayaran sa kuryente. Sa panahon ba naman ngayon na halos lahat ay nagtataasan na, sinong hindi gustong makatipid? Pero may duda rin ako sa katotohanan nito, marami-rami rin kasi ang nagsasabing mas tumataas raw ang electric bill kapag madalas ang brownout. At sabi pa nila, sinasadya raw ito ng mga electric companies para mas mataas ang makukurakot nila. Totoo ba ito SOCOTECO? Magpaliwanag ka nga.

Napapahaba na ata ang usapan natin. Marahil ay dapat na akong dumako sa punto ko talaga. Malapit na ring maubos ang slice ng cake na kinakain ko dito (bigay ng kapitbahay namin kanina nang makita nya akong nag eemo sa bubong, akala ata magpapakamatay na ako at inisip na baka sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkain eh maipakita niyang may nagmamahal pa sa akin, at mapigilan ako sa balak ko. LOL). Pero sayang rin naman kaya kinuha ko na lang.

Mabalik nga tayo sa ating usapan. Sa tingin mo bakit gustong-gusto ko kapag may brownout?

Tanong: nasubukan mo na bang mag stargazing? Hindi ba’t maganda? Ngunti anong mas maganda, ang mag stargazing sa lungsod? O ang mag stargazing sa probinsya? Mas kaakit-akit ang ideya ng pangalawa diba? Sabayan mo pa ng tunog ng mga kuliglig, hampas ng mga dahon, at ang sariwang hanging humahalik sa pisngi mo. Hay life! May mahihiling ka  pa ba?

Nakakalungkot nga lang na sa panahon ngayon ay hindi na ‘to masyadong nabibigyang pansin ng tao. Dala na rin ng makabagong teknolohiya; mas pinipili na lang natin ang makinig sa MP3 kaysa sa tunog ng mga cricket, manood ng TV kesa sa titigan ang mga bituin, magpalamig sa aircon kesa sa lumabas at lumanghap ng sariwang hangin.

Tila ba wala ng nakikinig sa kalikasan at pumapansin sa mga nilikha Niya. Mabuti na lamang at may brownout, sapagkat sa panahong ito ay nawawala ang artipisyal na ingay, teknolohiya at kung anu-anong gadget na bumubulag sa atin sa totoong kagandahan ng mundo.

Oo masaya ako ngayon dahil sa kadilimang hatid ng brownout ay mas lalong nagniningning ang mga bituing nakatitig sa akin, mas naririnig ko ang tunog ng mga insekto sa dilim, mas nalalanghap ang sariwang hangin, at natatamo ang hinahanap kong kapayapaan.

Nakakatuwa ngang isipin na tila ba mas lumiliwanag ang tunay na kagandahan ng gabi sa panahon ng kadiliman, tulad na lamang ngayon na walang kuryente.

Minsan nga naiisip ko sana wala na lang kuryente. Kakayanin naman siguro nating mabuhay; kung nagawa nga ng ating mga ninuno, eh malamang magagawa rin natin. Pero sadyang malayo na ata ang ating narating ngayon na kung babalik tayo sa mga pagkakataong iyon ay marami ang magrereklamo. Sa pagkawala pa nga lang ng kuryente sa ilang oras eh parang mamamatay na ang tao sa pag aalala, ano pa kaya kung wala na talaga?

At isa pa, kung may dapat man akong ipagpasalamat sa tinatawag nating electricity at technology, yun ay kung hindi rin naman dahil sa kanila ay marahil wala itong blog post na ‘to dito, at wala ka rin para basahin ito ngayon. Kaya salamat.

Advertisements

6 thoughts on “Ang Nahanap kong Liwanag sa Kadiliman

  1. Aww, naalala ko tuloy noon sa probinsya namen sa Romblon. Shocks, super dalas ng brownout. Mas marami pa ang mga gabing walang ilaw kesa sa meron. Tapos itatapat pa nila ang brownout sa oras ng dinner. Kainis talaga kasi kumakain ka, biglang walang ilaw. Hayyy! I feel for you! Mahirap mangapa sa dilim.

    Napadaan lang po mula PB 🙂

    • Sinabi mo pa, kaya lagi na lang candle light dinner. Lalo na ngayong mas napapadalas na ata ang power shortage. Senyales na ba eto na magtatapos na ang mundo? haha. Thank you po sa pagdalaw dito! 🙂

  2. Isang magandang pagninilay-nilay. Hindi ako mahilig sa brownout (dahil mainit.. haha) pero like you, I try to get away from it all sometimes. Just me and my thoughts. 🙂

  3. Naiimagine ko kung nakatira ako sa Mindanao ngayon baka namatay na ako sa inis dahil sa panaka nakang brownout na nararanasan nila doon dahil sa power crisis.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s