Ang Nahanap kong Liwanag sa Kadiliman

Gabi na naman. Magpapaalam na naman si haring araw at papalit si kaibigang buwan. Ewan ko ba kung bakit gustong-gusto ko sa tuwing sumasapit ang gabi. Weirdo nga siguro ako kung tatawagin, pero pakialam ko, lahat naman ng tao ay may kanya-kanyang ka-weirdohan. Mas weirdo nga sigurong matatawag ang taong walang ka-weirdohan.

Ayos na sana lahat. Ang mga tao nasa kani-kanilang bahay na. Wala ng gumagala, maliban na lang kung piyesta at marami kang mapupuntahan na mga pakulo ni Mayor sa plaza. Ganito dito sa probinsya. Tahimik hindi gaya sa siyudad na ang gabi ay tila nagiging umaga na kung ingay lang ang pagbabasehan. Dito ganitong oras (7pm) nagpapahinga na ang mga tao. Magluluto. Kakain ng kanilang hapunan habang nagkukuwentuhan tungkol sa buhay-buhay nila. Pagkatapos ay magbubukas ng telebisyon at manonood ng balita. Magkukunwari na may pakialam sila sa mga nangyayari sa bansa, na kung pakikinggan mo ay wala naman silang ginawa kundi ang magreklamo at punain ang pagkakamali ng ibang taong nasa balita. Bakit ba kasi hindi na lang nila tingnan ang sarili nila bago ang iba, baka sakaling may magawa pa sila sa ikauunlad ng bansa natin. Continue reading