Tak. Tak. Tak.
Tunog ng keyboard ng computer habang ako’y nagpipissbook.
Kay aga-aga kompyuter na agad ang aking kaharap, pero di bale, hindi naman ata ito isang walang kwentang bisyo – kung iisipin nga sa panahon ngayon, mas inaabangan pa ata ng kabataan ang nangyayari sa kanilang “pissbook” kesa sa balitang napapanood sa “T-Veeeyyy Patrol.”
Tingnan mo kung di dahil sa passbook di ko pa malalaman na ikakasal na pala ang naglaho kong kaibigan na si Aling Nena, sa kanyang ikapitong asawa. Hindi lang yan, napag-alaman ko ring may bagyong paparating dito sa Gensan. Kaya naman pala malamig at tila ba ayaw pakita ni haring araw dito sa amin.
Teka, tama na nga. Hindi naman talaga tungkol sa pissbook ang blog post ko na ito.
Sabi ko nga malamig ang simoy ng hangin dito, pero nakapagtataka bakit basa ata ang aking kilikili. Kagigising ko lang naman. Ang aga naman atang gumana ng mga kaibigan kong sweat glands. Matingnan nga –
Anak ng neneng oh!
Pumutok pala ang aking pigsa!
Oo pigsa nga, isang munting bundok na tutubo at makikitira sa katawan mo ng wala man lang pasabi.Marahil ay nagkaroon ka na rin nito. In denial ka lang.
Ang totoo di ko naman talaga alam na pigsa pala ‘to. Mag iilang araw na rin siyang nakikiupa sa aking kili-kili, nung una bedspacer lamang sya, nung sumunod na araw bedroom for two na raw, ganun na lang ang pagtataka ko nung ikatlo at ikaapat na araw dahil naging family room na.
Hindi lang yun, nagkaanak pa siya! Balak ata maging new year baby pa. Dagdag populasyon na naman ‘to.
Pero past is past sabi nga nila, mas mahalaga raw ang kasalukuyan. Kaya heto, nagluluksa ako ngayon sa pagtatapos ng buhay ng aking munting alaga dito.
Sa iyong pagputok hiling ko’y isang mapayapang paglalakbay sa kabilang buhay.
Paalam na.
Kahit naging masakit ang iyong pamamalagi dito sa kili-kili kong ibabaw, batid ko namang marami ka ring mahahalagang aral na iniwan. Isa na doon ang paliligo sa tuwina. Tiyak mamimiss kita.
Marahil ay natatawa ka bakit sa lahat ng pwede kong isulat ay tungkol pa sa pigsa.
Wala lang. Wala lang siguro akong magawa.
Pero matanong kita. Habang binabasa mo ang kwento ng alaga kong pigsa, hindi ka ba napaisip na ang buhay mo ay parang isang pigsa rin?
Tulad ng pigsa, sumulpot ka dito sa mundong ibabaw ng walang pasabi. Bakit noong ipinanganak ka ba eh alam na ng iyong mga magulang na ikaw ang magiging anak nila?
Hindi naman dba? Eh di sana kung alam nila, wala ka ngayon dito para basahin itong aking blog post.
At tulad ng pigsa rin, ikaw ay lumaki. Kasabay nito ay ang paglawak ng iyong mundong inuukupa.
Ang iyong pamamalagi sa mundo ay paminsan-minsan nagdadala rin ng sakit sa iba ng di mo nalalaman. Lumuluha ka na parang pigsa. Ngunit nariyan rin naman ang mga araw na puno ng kasiyahan, pagmamahal, at pag aalaga, at dahil diyan patuloy kang lumalaki.
Hindi magtatagal ay magkakaanak ka rin. Dadami kayo. Magiging overpopulated na ang mundo at magiging mahirap na ang gumalaw.
At dahil kailangang magkaroon ng balance, gaano man natin pigilan ay darating talaga ang panahon na ikaw ay magpapaalam.
Puputok ka rin tulad ng pagputok ng aking pigsa. May mga luhang papatak at tisyung masasayang (gaya na lang ng roll ng tisyung aking naubos sa pagpunas sa luha ng aking pigsa).
Walang makapagsasabi kailan, saan, o kung paano. Pero tiyak mangyayari yun.
Sana lang sa iyong pag alis, ikaw ay nakapag iwan ng marka sa buhay ng mga taong iyong iniwan.
Tulad na lang ng marking iniwan ng aking pigsa.
– – –
Wala man lang bang condolence diyan?
Ang Buhay pala ay gaya ng isang pigsa..hahahahahha
oo nga bes. andami ng pigsa sa mundo. hahaha. 🙂
condolence
maraming salamat 🙂
Wow, Bravo.. Thanks sa magandang aral na mpupulot nng mga kbataan ngaun.. Pwede, mgpost ka pa nng mrami..??.. Sana maging Novelista ka at maging Great writer… God bles u..
sana nga po, bibihira na lamang ang mga ‘pigsang’ nakakapagsulat sa ngayon para makapag bigay inspirasyon, hiling ko sana maging isa ako sa kanila. maraming salamat po sa pagtangkilik sa mumunting blog ng pigsang ito! 🙂
adik ka!!!hehehehe nice one…